Pagkuha ng mga empleyado ng PCOO, aalamin kung may kinalaman sa Troll farm
Posibleng sa susunod na linggo ay itakda na ng Senado ang pagdinig sa alegasyon ng paggamit ng pondo ng gobyerno para sa troll farm.
Sinabi ni Senate President Vicente Sotto III na malalaman sa pagbabalik ng kanilang sesyon sa martes kung ang Committee of the Whole ang mag-iimbestiga sa resolusyon na inihain ng labindalawang Senador na may kaugnay an sa troll farm o tagabanat sa social media laban sa mga kritiko ng Duterte administration.
Ayon kay Sotto, kasama sa iimbitahan ang mga opisyal ng Presidential Communication Operations Office para pagpaliwanagin sa report ng Commission on Audit hinggil sa mga kinuha nitong contractual employees.
Nais malaman ng mga Senador kung ginamit ba ang mga empleyado para magkalat ng mga fake news at banatan ang mga bumabatikos sa administrasyon.
Bukod sa PCOO, iimbitahan rin ang mga opisyal ng Department of Information and Communications Technology (DICT) at Facebook.
Meanne Corvera