Local transmission ng Delta variant, kinumpirma ng DOH
Kinumpirma ng Department of Health na may local transmission na ng mas nakahahawang Delta variant sa bansa.
Sinabi ng DOH sa isang pahayag na kasunod ng Phylogenetic analysis na isinagawa ng UP-Philippine Genome Center at case investigation ng DOH Epidemiology Bureau at Regional and Local Epidemiology and Surveillance units, nasumpungan ang clusters ng Delta variant cases sa ilang local cases ng sakit na nagpapatunay ng local transmisison.
Matatandaang Huwebes ng hapon, iniulat ng DOH ang 12 bagong local cases na iniuugnay sa sa Delta variant kaya umakyat na sa 47 ang kabuuang kaso.
Kaugnay nito, tiniyak ng DOH na ginagawa nila ang lahat katuwang ang national at local governments upang mapigilan pa ang pagkalat ng virus sa bansa.
Tiniyak rin ng DOH na may sapat na COVID-19-dedicated ward, ICU, at Temporary Treatment and Monitoring Facilities sakaling magkaroon ng surge ng COVID 19 cases.
Pinaghahandaan na rin umano ng gobyerno na magkaroon ng sapat na supply ng COVID-19 medicines, oxygen tanks, at critical care equipment sa mga ospital.
Patuloy naman ang paalala ng DOH sa publiko na sumunod sa minimum public health standards at magpabakuna na.
Iwasan rin umano ang paglabas ng bahay kung hindi naman kailangan maging ang pagsasagawa ng mga pagtitipon.
Sa kabuuan, may 47 kaso na ng Delta variant ang naitala sa bansa, kung saan ang 22 rito ay local cases.
Ayon sa DOH sa ngayon, 8 ang aktibong kaso ng Delta variant, habang may 3 naman ang nasawi.
Madz Moratillo