Higit 70 insidente ng mga pagbaha sa Luzon, naitala ng NDRRMC kasunod ng tuluy-tuloy na mga pag-ulang dala ng Habagat
Nakapagtala ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ng 71 flooding incidents sa Metro Manila sanhi ng pananalasa ng Habagat na mas pinalakas ng Typhoon Fabian.
Habang sa lalawigan ay nakapagtala ng mga pagbaha sa mga rehiyon ng Mimaropa, Central Luzon at Calabarzon at landslide incidents naman sa Cordillera at Abra.
Sa panayam ng Balitalakayan, sinabi ni Mark Timbal, tagapagsalita ng NDRRMC na batay din sa initial assessement ng kanilang operation center, mahigit 600 indibidwal din ang inilikas sa Occidental Mindoro matapos makaranas ng mga pagbaha ang mga bayan ng Sablayan, Sta, Cruz at Mamburao.
Naging maagap din aniya ang lokal na pamahalaan ng Cordillera sa pagsasagawa ng clearing operations sa mga bato at lupang humambalang sa kalsada kasunod ng landslide.
Samantala, dahil ang buwan ng Hulyo ay idineklarang Disaster Resiliency Month, sinabi ni Timbal na malaki na ang naging pag-unlad sa disaster preparedness ng bansa.
Kung noon aniya ay marami tayong mga kababayan ang nasasawi sa mga kalamidad ay naaagapan na ito ngayon dahil sa mga isinasagawa nilang information at education activities sa pamamagitan ng webinar.
Payo naman ni Timbal sa publiko:
“Kasabay ng ating pag-iingat sa mga kalamidad ay doblehin din natin ang pag-iingat ngayong panahon ng ubo at karamdaman sanhi ng Covid-19 Pandemic. Patuloy po tayong sumunod sa mga ipinatutupad na safety protocol at kung lalabas man ay tiyaking nakasuot ng face mask, shield at sumunod sa physical distancing upang maging ligtas tayo sa karamdaman”.