Limang suspek sa investment scam, arestado ng NBI sa Quezon City
Huli ng NBI sa entrapment operation ang limang suspek sa investment scam sa Quezon City.
Dalawa sa mga nadakip ng NBI- Anti-Fraud Division ang owner at operator ng Agri-Wealth Farm Ventures, Incorporated na sina Bernie Limpiada alyas Brix at Marvin Ojeda alyas Marvin Juarez Ojeda.
Una nang dumulog sa NBI ang isang walk-in informant kasama ang mga opisyal ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) upang ireklamo ang mga iligal na investment activities ng Agri-Wealth Farm Ventures.
Ayon sa informant, nag-aalok sa publiko ang Agri-Wealth ng investment na may pangakong 160% return of investment sa loob ng 100 araw.
Pinangakuan ng mga suspek ang mga investors ng arawang kita na 1.6% hanggang 2.5% ng invested amount.
Batay pa sa informant, sa bawat direct referral o recruit sa kumpanya ay makakakuha ang investor ng dagdag na 5% ng invested amount ng kanyang referral at dagdag na 2% para sa second level recruits at 1% para sa mga susunod na level ng mga recruit hanggang sa ika-10 level.
Pinaniwala ng Agri-Wealth ang mga investors na viable ang mga nasabing alok sa pagsasabing nagma-may-ari ang kumpanya ng 20 ektarya ng high-yielding aqua farm ng mud crabs at tiger prawns sa Hagonoy, Bulacan kung saan inililibot ang mga prospect na investors.
Naberipika naman ng NBI sa Securities and Exchange Commission (SEC) na hindi rehistradong korporasyon ang Agri-Wealth at wala rin itong secondary license bilang lending company, broker o dealer ng securities at investmer adviser.
Wala rin na pending na aplikasyon ang kumpanya para sa secondary license sa SEC.
Dahil dito, ikinasa ng NBI ang mga entrapment operation noong July 21 sa restaurant sa isang mall sa QC kung saan inaresto ang may-ari ng kumpanya na si Bernie Limpiada.
Timbog din sa operasyon ang system administrator ng Agri-Wealth na si Glory Ann Pillora at ang project manager ng kumpanya na si Sison Inocencio matapos tanggapin ang marked money sa mga otoridad na nagpanggap na investor.
Nagsagawa rin ng entrapment operation ang NBI sa tanggapan ng Agri-Wealth sa New Manila, QC kung saan naman nadakip ang General Manager ng kumpanya na si Rogelio Laverinto Fambuena Jr at si Marvin Ojeda na nagpakilalang chairman at CEO ng Agri- Wealth.
Iniharap na sa inquest proceedings ang mga suspek sa piskalya sa QC kung saan sinampahan sila ng mga paglabag sa Securities Regulation Code.
Moira Encina