51 QC Police na idineploy sa SONA at nagpositibo sa Covid-19, hindi nagkaroon ng public contact – QC Gov’t.
Hindi nagkaroon ng public contact o close contact sa ibang indibidwal ang 51 pulis Quezon City na itinalaga sa State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Lunes.
Ito ang lumabas sa isinagawang masusing imbestigasyon ng lokal na pamahalaan.
Sinabi ni QCPD at Police Station 3 Commander Lt. Col. Cristine Tabdi na ang mga nasabing pulis ay itinalaga bilang route security at walang naging direktang kontak sa publiko partikular sa mga raliyista.
Hindi rin naman kailangang ipasara ang operasyon ng Station 3 at Community Precincts 1 at 2 dahil naglagay aniya ng reception area sa labas ng mga himpilan para sa mga nais dumulog o humingi ng tulong.
Batay sa record, mula sa 82 pulis na nakatalaga sa Station 3, PCP 1 at 2 na nagpositibo sa virus, 74 ang uniformed personnel, 4 ang civilian employees at 4 ang police aides.
Ang 54 sa mga ito ay residente ng Quezon city.
57 din sa mga ito ay fully vaccinated, 2 ang nakatanggap ng first dose habang nasa 23 ang hindi pa nababakunahan.
Kasalukuyang naka-quarantine na ang 82 uniformed at non-uniformed police sa HOPE quarantine facility sa lungsod at pansamantala silang papalitan ng 82 pulis mula sa Camp Karingal district mobile force batallion.
Habang ang 102 police officers at non-uniformed personnel sa Station 3 ay isasailalim sa re-swabbing makalipas ang isang linggo.
42 sa kanila ang naging close contact ng mga nagpositibo at sila ay ilalagay sa isolation sa quarantine facility sa Camp Karingal habang naghihintay ng swab test.
Ang 60 pulis na iba pa na hindi ngakaroon ng exposure sa mga nagpositibong pulis ay magpapatuloy sa kanilang duty sa istasyon pero hindi muna sila papayagang makauwi ng kanilang tahanan hangga’t hindi pa lumalabas ang test result.
Magsasagawa rin ng disinfection at decontaminatopn ang QC Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO) sa mga istasyon at community precint.
Samantala, ipinag-utos na ni Mayor Joy Belmonte ang pagbabakuna sa nalalabing 536 na pulis mula sa QC Police District na hindi pa nababakunahan dahil sa iba’t-ibang kadahilanan.