Mayon Volcano, inalis na sa Alert Level 1 status
Tinanggal na ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa Alert level 1 ang Mayon Volcano.
Ayon sa Phivolcs, nabawasan na ang naoobserbahang volcanic earthquakes sa bulkan sa nakalipas na anim na buwan.
Wala na ring naitatalang rock-fracturing sa edipisyo ng bulkan na may kasamang magmatic at hydrothermal acitivity.
Bumaba na rin ang gas emission mula sa main crater ng bulkan mula sa dating 500 tonnes kada araw ay naitala sa 156 tonnes kada araw.
Hindi na rin ito nagbubuga ng lava at wala na ring naitalang aktibidad sa tuktok ng bulkan.
Gayunman, kahit inalis na sa Alert Level 1 ay nananatili ang paalala ng Phivolcs na bawal pa rin ang pagpasok sa 6 kilometer Permanent Danger Zone dahil sa panganib pa rin ng rockfalls, ash puff at biglaang pheatic eruptiono na maaaring manganap sa tuktok ng bulkan.
Pinaalalahanan din ang mga residenteng naninirahan malapit sa paanan ng bulkan na manatiling alerto sa mga posibleng pagdaloy ng lahar kung may malalakas at tuluy-tuloy na pag-ulan.
Agad namang magpapalabas ng advisory ang Phivolcs sakaling nakitaan muli ng pagbabago sa bulkan.
Huling naitala ang malakas na pagsabog ng bulkan noong 2018.
Meanne Corvera