US ikinalugod ang pagbawi ni Pangulong Duterte sa VFA termination
Ikinatuwa ng Estados Unidos ang pagbawi ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagbuwag sa Visiting Forces Agreement (VFA).
Ayon sa US Embassy, naniniwala sila na hindi lamang ang seguridad ng dalawang bansa ang napaiigting ng VFA kundi maging ang rules-based order na pakikinabangan din ng lahat ng nasyon sa Indo-Pasipiko.
Binanggit ng embahada ang pahayag ni US Secretary of Defense Lloyd Austin na nananatiling mahalaga ang matibay na alyansa ng Amerika at Pilipinas sa seguridad, katatagan, at pag-unlad ng Indo-Pacific region.
Makakamit aniya ang nasabing mithiin sa panunumbalik ng VFA sa pagitan ng Pilipinas at US.
Una nang nakipag-pulong si Austin kay Defense Sec. Delfin Lorenzana kung saan tinalakay ang lalong pagpapalakas sa security cooperation ng dalawang bansa.
Matatandaan na noong Hunyo ay muling pinalawig ng Malacañang ng anim na buwan ang kanselasyon ng VFA termination.
Ipinagpaliban din ng Palasyo ang pagbuwag sa defense agreement noong Hunyo at Nobyembre ng nakaraang taon.
Kinuwestiyon din ng mga senador sa Korte Suprema ang pagkansela sa VFA dahil sa sinasabing kailangan dumaan sa kanila ang pag-urong sa anumang international agreements.
Moira Encina