Mahigpit na border control checkpoints sa NCR Plus, sinimulan muling ipatupad ngayong Aug. 1
Sinimulan na kaninang hatingggabi o Linggo ng 12:00 madaling-araw ang pagpapatupad muli ng quarantine control points sa mga hangganan ng NCR Plus.
Ito’y matapos atasan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang Joint Task Force COVID Shield na i-activate ang mga border control points bahagi ng karagdagang restrictions na ipinatutupad sa Metro Manila upang mapigilan ang pagkalat ng Delta variant.
Sa ilalim ng Inter-Agency Task Force (IATF) Resolution No. 130-A, tanging mga Authorized Persons Outside of Residence (APOR) lamang ang papayagang makatawid sa mga border at makabiyahe palabas at papasok ng Metro Manila.
Ang mga control points ay itinalaga sa mga hangganan ng NCR Plus sa Cavite, Bulacan, Laguna, at Rizal.
Paalala ng Philippine National Police sa mga APOR, kailangang iprisinta ang mga sumusunod:
1) IATF IDs issued by regulatory agencies at,
2) valid IDs or pertinent documentation issued by establishments allowed to operate under the current quarantine classification
Papayagan namang makadaan sa control points ang mga cargo o delivery vehicle lalu na ang food deliveries.
Ang mga lalabag ay maaaring maharap sa mga kasong paglabag sa Section 9 ng RA 11332.