Medical Reserve Force ng PNP, nakahanda na para umasiste sa pagbabakuna habang nasa ECQ ang NCR
Nakahanda na ang Medical Reserve Force (MRF) ng Philippine National Police para umasiste sa pagbabakuna kontra Covid-19 sa panahon ng implementasyon ng Enhanced Community Quarantine sa Metro Manila.
Ang pahayag ay ginawa ni PNP Chief, Police General Guillermo Eleazar matapos ang naging anunsyo ng Metro Manila Council na target nilang magbakuna ng nasa 250,000 indibidwal sa kalakhang Maynila sa panahon ng dalawang linggong mas mahigpit na quarantine status.
Ayon kay Eleazar, magsisilbing standby force ang MRF sakaling kailanganin ang karagdagang puwersa sa vaccination process.
“Malaki-laki ang 250,000 na katao kada araw kaya’t tutulong ang PNP para masigurong magiging maayos, mabilis at ligtas ang bakunahan sa buong Metro Manila,” – PGen. Eleazar
Maliban dito, inatasan din ni Eleazar ang National Capital Regional Police Office (NCRPO) na maghanda ng karagdagang pulis sakaling kailanganin sa paghahatid ng mga bakuna sa ibang lugar.
Inatasan din ng PNP Chief ang mga concerned Police Commander na makipag-ugnayan sa mga lokal na opisyal lalu na sa mga Barangay official upang pag-usapan ang proseso ng pagbabakuna habang nasa ECQ ang Metro Manila.