PNP nakapagtala ng karagdagang 130 kaso ng Covid-19
Pumalo na sa 30,639 ang kabuuang kaso ng Covid-19 sa hanay ng Pambansang Pulisya.
Ito’y matapos makapagtala ang PNP Health service ng panibagong 130 kaso ng virus infection ngayong araw.
Sa datos ng PNP, umakyat na rin sa 1,273 ang aktibong kaso.
Samantala, nakapagtala rin ng karagdagang 67 mga gumaling sa karamdaman kaya umakyat na sa 29,282 ang kabuuang nakarekober sa PNP.
Nanatili naman sa 84 ang death toll matapos walang naitalang bagong mga pumanaw.
Samantala, sinabi ni PNP Spokesperson Brig. General Rolando Olay na tuluy-tuloy ang pagbabakuna kontra Covid-19 sa kanilang hanay.
Sa ngayon, nasa mahigit 20% na sa PNP ang nababakunahan o katumbas ng nasa higit 45,000 mga pulis ang fully vaccinated habang nasa higit 49,000 naman ang naturukan na ng first dose.
Naghihintay na lamang aniya sila ng karagdagang suplay ng bakuna mula sa gobyerno.
Pero batay sa survey na kanilang nakalap, mahigit sa 80% ng mga pulis ang nagpahayag ng pagnanais mabakunahan.