Pagbabawas sa on-site personnel sa mga opisina ng gobyerno sa NCR sa panahon ng ECQ, ipinag-utos ng Malakanyang
Inatasan ng Malakanyang ang lahat ng government agencies sa Metro Manila na magbawas ng on-site personnel sa kanilang mga tanggapan.
Ito ay dahil sa ipatutupad na Enhanced Community Quarantine o ECQ sa Metro Manila mula August 6 hanggang August 20 dahil sa banta ng Delta variant ng COVID-19.
Batay sa Memorandum Circular Number 87 na nilagdaan ni Executive Secretary Salvador Medialdea dapat 20 percent na lamang ang on-site personnel habang ang iba ay papayagan ang work from home set-up.
Tanging ang mga ahensya ng gobyerno na nagbibigay ng health at emergency frontline services, laboratory at testing services, border control at iba pang critical services ang pinapayagang full on-site capacity ang oeprasyon.
Inaatasan din ang mga namumuno sa bawat ahensiya sa Metro Manila na mag-report sa kanilang department heads para ayusin ang percentage ng papasok na personnel at skeletal workforce.
Pinatitiyak ng Malakanyang na kahit naka-ECQ ang Metro Manila magtutuloy tuloy at magiging maayos pa rin ang pagbibigay serbisyo publiko.
Hinihikayat din ng Malakanyang ang sangay ng lehislatura at hudikatura, independent constitutional bodies maging ang local government units sa Metro Manila na sumunod sa 20 percent work force capacity.
Vic Somintac