Inter-city control points sa NCR, mahigpit na ipatutupad simula bukas, Aug. 6
Simula bukas, August 6 hanggang 20 o sa panahon ng implementasyon ng Enhanced Community Quarantine ay hindi na muna papayagan ang pagtawid sa mga itatalagang border control points sa loob ng National Capital Region.
Sa public briefing ng Malacañang, sinabi ni Philippine National Police Chief General Guillermo Eleazar na magtatalaga sila ng inter-cities control checkpoints sa Metro Manila.
Ibig sabihin magiging individual bubble na lamang ang mga lungsod sa NCR sa panahon ng ECQ.
Tanging mga worker APOR o mga essential worker na work-related lamang ang dahilan ng biyahe ang papayagang makatawid sa inter-cities border points.
Pero hindi na papayagan ang mga consumer APOR o mga bibili ng mga basic needs na tumawid sa ibang lungsod.
Nilinaw naman ni Eleazar na magbibigay sila ng konsiderasyon sa mga may medical o emergency cases o mga magpapabakuna sa labas ng kanilang panggagalingang lungsod.