Pamamahagi ng financial assistance sa NCR, ipinauubaya na sa mga LGU
Matapos ilabas ng Department of Budget and Management ang 10.8 bilyong pisong pondo na gagamitin sa cash assistance para sa mga kuwalipikadong residente ng National Capital Region na nasa ilalim ng Enhanced Community Quarantine mula August 6 hanggang August 20, ipinauubaya na ng Malakanyang sa mga Local Government Unit ang pamamahagi nito.
Sinabi ni Presidnetial Spokesman Secretary Harry Roque na susubaybayan ng Department of Interior and Local Government ang distribusyon ng financial assistance na nagkakahalaga ng 1,000 piso sa bawat kuwalipikadong beneficiary at hindi naman lalagpas ng 4,000 piso sa bawat sambahayan.
Ayon kay Roque ang pondong gagamitin na ayuda sa NCR ay mula sa savings ng mga ahensiya ng pamahalaan na nasa ilalim ng Executive Department alinsunod sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa DBM.
Inihayag ni Roque titiyakin ng gobyerno na maipamahagi ng tama ang cash assistance upang maiwasan na mapagsamantalahan ng mga tiwaling opisyal ng mga LGU.
Vic Somintac