Pagbabakuna kontra Covid-19 sa mga batang nasa edad 12 pababa, planong simulan sa Setyembre
Pinag-aaralan na ng gobyerno ang pagsisimula ng pagbabakuna kontra Covid-19 sa mga batang nasa edad 12 pababa.
Sinabi ni National Task Force Against Covid-19 Chief Implementer at Vaccine Czar Sec. Carlito Galvez Jr., na ito ang kanilang tugon kasunod ng ulat na mga batang tinamaan ng Covid-19 na ngayo’y naka-confine sa Philippine General Hospital (PGH).
Hiniling na aniya nila sa National Immunization Technical Advisory Group (NITAG) ang pagsama sa mga bata na mabakunahan dahil itinuturing din silang vulnerable sector lalu na ang mga may comorbidity.
Dalawa aniya sa mga nakaconfine na bata sa PGH ay nasa kritikal na kundisyon kaya hindi pa masasabing malakas ang kanilang resistensya kung tatamaan ng pulmonary disease.
Plano aniya ng gobyerno na simulan ang vaccination sa mga bata sa katapusan ng Setyembre o unang linggo ng Oktubre ngayong taon.
May kinakausap na aniya sila para sa pagbubukas ng Pediatrics at Adolescent vaccination.
Sa ngayon, ang Pfizer Covid-19 vaccine pa lamang ang nabigyan ng Emergency Use Authorization (EUA) ng Food and Drug Administration (FDA) para sa pagbabakuna sa mga bata habang ang Sinovac ay hinihintay pa ang FDA approval para sa pagbabakuna sa mga batang nasa edad 3 taon pataas.