BSP hindi magiisyu ng loan moratorium sa panahon ng ECQ
Walang ipalalabas na mandatory moratorium o grace period ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) para sa mga loans sa panahon ng ECQ mula Agosto 6 hanggang 20.
Sa statement ng BSP, sinabi nito na maaari na humingi pa rin ng relief ang mga kliyente sa kanilang bangko kahit walang loan moratorium.
Hinikayat din ng central bank ang mga BSP-supervised financial institutions (BSFIs) na i-renew, i-restructure o palawigin ang termino ng loans ng kanilang kliyente bilang konsiderasyon sa kanilang cash flow.
Ayon sa BSP, maaaring magkasundo ang bangko at ang kanilang mga kliyente sa loan terms na akma sa financial capability ng bangko at financing requirements ng kliyente.
Una nang ginawaran ng BSP ng prudential relief measures ang BSFIs para makapagpatuloy ang mga ito sa pagkakaloob ng pinansyal na serbisyo at masuportahan ang mga pamilya at negosyo sa harap ng pandemya.
Moira Encina