DOH isa sa mga ahensya na magkakaroon ng resident ombudsman para malabanan ang kurapsyon
Naantala ang paglagda ng kasunduan ng Task Force Against Corruption (TFAC) sa Office of the Ombudsman at Commission on Audit (COA) bunsod ng panibagong lockdown.
Sinabi ni Justice Secretary at TFAC Chair Menardo Guevarra na nakasaad sa memorandum of agreement ng Ombudsman, COA at DOJ ang general terms sa pag-deploy ng mga piskal at auditors bilang resident ombudsmen sa graft-proned agencies.
Aniya dapat sa mga panahong ito ay nalagdaan na ang MOA pero nausod dahil sa ECQ.
Ayon pa sa kalihim, ang Department of Health (DOH) ang isa sa mga ahensya na magkakaroon ng resident ombudsman kapag sumang-ayon sa kasunduan ang COA at Office of the Ombudsman.
Naniniwala si Guevarra na mapadadali ang pagsawata sa kurapsyon sa mga ahensya ng gobyerno lalo na ngayong pandemya kung may resident ombudsmen kaya mahalaga na malagdaan ang MOA sa lalong madaling panahon.
Ang mga partikular na probisyon aniya gaya ng “trigger amount” ng proyekto o transaksyon na otomatikong sisilipin ng resident ombudsmen ay ilalagay sa hiwalay na kasunduan sa mga ahensya.
Inihayag dati ni Guevarra na mas makagagawa ng epektibong aksyon sa paglaban sa katiwalian ang TFAC kapag magkaroon ng deputized resident ombudsmen sa mga tanggapan ng gobyerno.
Moira Encina