Higit tatlong milyong pisong halaga ng hinihinalang ecstacy, nakumpiska ng PDEA sa Baguio City
Arestado ang isang ginang sa ikinasang controlled delivery operation ng mga awtoridad, sa isang condo unit sa Ambuklao road, Gibraltar sa Baguio City.
Ang suspek ay nakilalang si Elisa Millare Aguirre, 52-anyos at residente ng Quezon City.
Nakumpiska mula kay Aguirre, ang higit tatlong milyong pisong halaga ng hinihinalang ecstacy na nakalagay sa isang parcel na may lamang kahon na kinalalagyan ng isang pares ng sapatos, dalawang bed sheet, at apat na imrovised pouches na naglalaman ng 1,783 tableta ng hinihinalang droga.
Ayon kay investigation agent officer 3 Gerald Javier, team leader ng PDEA – NCR, ang parcel ay unang sumailalim sa kostudiya ng Bureau of Customs, nang masabat ito sa NAIA nitong nakalipas na mga araw.
Sinabi ni Javier, na dumating ang parcel sa Central Mail Exchange Center na nakadeklarang bed sheets, children’s pencil at pair of shoes.
Matapos dumaan sa Non-intrusive xray scanning inspection project ng NAIA ang nabanggit na parcel at sa tulong na rin ng K9 sniffing dog, natuklasang may kasama itong ilegal na droga.
Nang buksan ito at inspeksiyunin ay nadiskubre ang 1,783 tableta ng hinihinalang ecstacy na maayos na nakalagay sa loob ng pouches.
Ayon sa mga awtoridad, ang parcel ay nanggaling sa isang Fostina Obobo mula sa Germany, habang ang consignee ay nakapangalan sa isang Joyce Ann Jones San Antonio.
Sa isinagawang controlled delivery operation, personal nilang tinungo ang isang condo unit sa Baguio City, base sa address na nakalagay sa parcel kung saan agad na inaresto si Aguirre matapos niyang tanggapin ang parcel.
Iniimbestigahan na si Aguirre upang matukoy ang ultimate consignee, na responsable sa illegal drug activities.
Freddie Rulloda