Mga direct contact ng nahawahan ng delta variant ng COVID-19 sa Laguna, isinailalim sa antigen testing
Mahigit 300 indibidwal na direct contacts ng mga kumpirmadong kaso ng delta variant ng COVID-19 ang sumailalim sa antigen testing sa Laguna.
Ito ay bahagi ng Project DELTA o Detect Early Local Transmission through Antigen Testing ng DOH CALABARZON sa mga lalawigan kung saan may natukoy na delta variant cases.
Ayon sa DOH CALABARZON, kabuuang 343 indibidwal sa Laguna kabilang ang mga bata ang isinailalim sa mass swab testing mula July 30 hanggang August 13.
Isinagawa ang antigen testing sa Brgy. Sta. Monica sa San Pablo City, Brgy. San Nicolas sa bayan ng Bay, Brgy. Wawa sa Lumban at mga barangay ng Barandal at Canlubang sa Calamba City.
Ang maramihang swab testing ay pinangunahan ng Regional Epidemiology and Surveillance Unit (RESU) at Regional Infectious Disease Cluster ng DOH CALABARZON.
Sinabi ni DOH CALABARZON Regional Director Eduardo Janairo na mahalaga ang pagsasagawa ng mass testing sa mga barangay na may natukoy na delta variant cases para agad na malaman kung sino ang positibo sa sakit, ma-isolate at mabigyan ng gamot upang hindi na lalong kumalat ang virus at makahawa ng iba.
Hinimok din ng opisyal ang publiko na doblehin ang pag-iingat dahil sa mabilis na kumakalat sa bansa ang COVID variants.
Moira Encina