Mga benepisyo para sa medical workers,maari pang maipamahagi kahit na nag-expire na ang bayanihan law – Senador Angara
Maari pang ipamahagi ng Department of health sa mga medical workers ang mga benepisyo nito kahit nag-expire na ang Bayanihan law.
Ito ang nilinaw ni Senador Sonny Angara matapos sabihin ng DOH na natigil ang pamamahagi ng special risk allowance matapos magpaso ang batas noong June 30 ngayong taon.
Ayon kay Angara na Chairman ng Senate finance committee, may probisyon sa batas na maaring gamitin ang pondo para sa benepisyo hangga’t umiiral ang ideneklarang National emergency ng pangulo dahil sa COVID 19 pandemic.
Pag-aaralan naman ng Senado na ilipat na lang sa Department of labor and employment ang responsibilidad sa pamamahagi ng SRA at iba pang benepisyo ng mga healthcare workers.
Itoý dahil sa hindi naman ito kayang atupagin ng DOH.
Sinabi ni Senate majority leader Juan Miguel Zubiri na isusulong niya ito oras na talakayin na ng Senado ang pambansang budget.
Naniniwala si Zubiri na aabutin pa ng isa hanggang dalawang taon ang pananalasa ng pandemya kaya dapat maging maayos ang pamamahagi ng benepisyo ng mga healthcare worker.
Meanne Corvera