Mga tanggapan sa SC, muling pisikal na magbubukas simula sa Agosto 23

Magbubukas na muli sa Lunes, Agosto 23 ang iba’t ibang tanggapan sa Korte Suprema kasunod ng pagsasailalim sa Metro Manila sa MECQ.

Gayunman, mananatiling limitado ang mga kawani na papayagan na pumasok nang pisikal sa Supreme Court dahil pa rin sa nakakaalarmang dami ng kaso ng COVID-19 sa bansa.

Ayon sa memorandum order ni Chief Justice Alexander Gesmundo, hanggang 25% ng work force sa bawat opisina ang maaaring pumasok maliban sa mga tanggapan ng punong mahistrado at associate justices.

Muli ring ipinaalala ni Gesmundo sa hiwalay na kautusan sa mga abogado at parties-litigants na limitado pa rin ang personal filing ng mga pleadings sa Korte Suprema sa ilalim ng MECQ.

Tanging ang mga pleadings at court submissions sa mga “exceptionally urgent matters” ang pinapayagan na maisumite nang personal sa Docket Receiving Section ng Judicial Records.

Kung hindi urgent ang court submission, ito ay dapat ipadala sa pamamagitan ng registered mail o private couriers o kaya ay sa pamamagitan ng email alinsunod sa electronic filing guidelines.

Inatasan din ni Gesmundo ang mga hepe ng bawat tanggapan ng SC na mahigpit na i-monitor at obserbahan ang kalagayan ng kalusugan ng mga kawani na pisikal na papasok para matiyak na wala silang sintomas ng COVID-19.

Ang ibang kawani ng SC ay mananatiling work-from-home upang hindi maantala ang trabaho sa hukuman at masigurong fully operational ang vital functions ng bawat tanggapan ng Korte Suprema.

Moira Encina

Please follow and like us: