Tokyo Paralympics, bubuksan na ng Japan sa kabila ng virus surge
TOKYO, Japan (AFP) – Bubuksan na ngayong araw (Martes) ang Tokyo Paralympics, kung saan umaasa ang mga manlalaro na muli silang makababasag ng stereotypes at world records, sa kabila ng pagkaantala nito ng isang taon bunsod ng pandemya, at sa gitna na rin ng kasalukuyang pakikipaglaban ng Japan sa pagtaas ng mga kaso ng virus.
Mamayang gabi ay opisyal na idideklara ni Japanese Emperor Naruhito ang pagbubukas ng Paralympics.
Gayunman, dahil sa umiiral na alituntunin kaugnay ng pandemya kaya’t inaasahan nang hindi mapupuno ng tao ang 68,000 kapasidad ng mga sport stadium.
Sinabi ni International Paralympic Committee chief Andrew Parsons, na ang pagbabawal sa mga manonood ang tamang desisyon, at sinabing maaari namang mag-enjoy sa panonood sa pamamagitan ng TV.
Subalit malinaw pa rin ang kasabikan ng 4,400 mga atleta mula sa 162 team na kalahok sa mga palaro ngayong taon.
Kabilang sa mga ito ang world record-setting long-jumper mula sa Germany na si Markus Rehm, na binansagang ‘Blade Jumper,’ at ang wheelchair tennis legend ng Japan na si Shingo Kunieda.
Ang Paralympics ngayong taon ay katatampukan ng 22 sports, kabilang ang badminton at taekwondo na sa kauna-unahang pagkakataon ay napasama sa Paralympics.
Samantala, ang mga atleta ng Paralympics ay isasailalim din sa daily testing, mandatory mask-wearing at lilimitahan sa kanilang mga galaw gaya nang ipinatupad sa mga atleta ng Tokyo Olympics.
Bagama’t namamalaging maliit ang outbreak ng virus sa Japan, kung saan 15,500 ang namatay, 40% pa lamang ng populasyon ang fully vaccinated na, hindi sapat para mapigil ang pagkalat ng mas nakahahawang Delta variant.
Ayon kay Tokyo 2020 chief Seiko Hashimoto . . . “Tokyo is hosting the Paralympic Games for the second time, so this time round we need to bring change to society. If we can achieve that, we can consider the Paralympics a success.”
Agence France-Presse