Beteranang tennis player na si Williams, napatalsik sa opening match ng Chicago Women’s Open
LOS ANGELES, United States (AFP) – Napatalsik sa WTA Chicago Women’s Open ang dating world number one na si Venus Williams matapos matalo ng straight sets kay Hsieh Su-Wei ng Taiwan, sa score na 6-2, 6-3.
Animnapu’t pitong minuto lamang ang inilagi sa court ng 7-time Grand Slam winner na si Williams sa isang one-sided opening round match na ginanap sa Washington Park tennis facility sa South Side, Chicago.
Samantala, ang talunin si Williams ang isa sa pinakamalaking panalo sa career ng 81st ranked na si Hsieh.
Nakaabot din siya sa quarter-finals ng Australian Open sa mga unang bahagi ng taong ito, ngunit natalo laban kay Naomi Osaka, sa score na 6-2, 6-2.
Noong 2018 ay tinalo nya ang world number one na si Simona Halep, sa third round ng Wimbledon.
Si Williams ay dinaig ng 35 anyos na si Hsieh, sa pamamagitan ng kaniyang malakas na service game, precision cross court at down the line forehands.
Nakuha niya ang 71% ng una niyang serve points at nagkaroon lamang ng isang double fault, habang si Williams ay nakalima.
Samantala, 35% lamang ng kaniyang second serve points ang nakuha ni Williams na may 49 career WTA titles.
Agence France-Presse