Health workers sa PGH nag-rally
Nagsagawa ng kilos protesta ang ilang healthcare workers sa Philippine General Hospital para kalampagin ang Department of Health na maibigay na ang mga benepisyong para sa kanila.
Ayon kay Karen Faurillo, presidente ng All UP Workers Union Manila, simula pa noong Marso ng nakaraang taon ang PGH ay itinalaga bilang isang Covid-19 referral hospital.
Pero sa kabila ng kanilang serbisyo na ibinibigay, kulelat aniya sila pagdating sa benepisyo.
Panawagan nila, ibigay na ang kanilang special risk allowance, active hazard duty pay at meals, accommodation and transportation allowance.
Ayon kay Benjamin Santos, Vice President ng All UP Workers Union Manila, kumpara sa ibang ospital, sa PGH na isang premium hospital, may pinakamaliit na meals, accommodation and transportation allowance na ipinagkaloob.
Ayon kay Faurillo, ang SRA sa bawat isang health worker ay 5,000 piso lamang.
Pero ito ay hatiin mo pa sa 22 days kaya lumalabas na 227 pesos lang ito kada araw.
Pero kung hindi nakakumpleto ng 22 days dahil naka-isolate o quarantine ay nakakaltasan pa aniya ang SRA na ito.
Sa PGH aniya may mahigit 4,000 health workers rin ang walang nakuhang active hazard duty pay mula pa noong Disyembre ng nakaraang taon hanggang nitong Hunyo.
Ang meals accommodation and transportation allowance naman sa halip aniya na 38,000 piso bawat health worker, 14,000 piso lang ang binibigay sa kanila.
Madz Moratillo