Pasay RTC nag-isyu ng warrant of arrest laban sa ex- US diplomat dahil sa mga kasong child abuse at child pornography
Ipinagutos ng Pasay City Regional Trial Court Branch 109 ang pag-aresto sa dating American diplomat na si Dean Edward Cheves na naitalaga sa US Embassy sa Maynila.
Si Cheves ay kinasuhan sa korte ng Pasay Prosecutor’s Office ng child abuse at child pornography.
Pero, wala na sa bansa ang dayuhan matapos na pabalikin sa US noong Marso.
Nahaharap sa hiwalay na kasong illicit sexual conduct in a foreign place at possession of child pornography sa korte sa Amerika si Cheves.
Sa warrant of arrest na inisyu ni Presiding Judge Christian Castañeda, itinakda ang piyansa ni Cheves sa Php200,000 para sa bawat isang kaso laban dito.
Batay sa mga ebidensya na nakalap ng piskalya ay sinamantala ni Cheves ang 16 anyos na biktima noong ito pa ang 1st Secretary at Director of GPS Manila ng US Embassy.
Sa salaysay ng biktima, nadiskubre nito na una na niyang nakilala online si Cheves noong siya ay 12 o 13 taong gulang pa lang.
Nakipagkita ito kay Cheves noong Pebrero 22 ngayong taon sa isang motel sa Pasay City kung saan nangyari ang sexual abuse.
Base rin sa mga ebidensya, kinuhanan ng video ni Cheves ang kanyang sexual activities sa menor de edad na biktima nang walang pahintulot nito na paglabag sa Anti-Child Pornography Act.
Una nang sinabi ni Justice Sec. Menardo Guevarra na maaaring i-extradite ng Pilipinas si Cheves sa oras na masampahan ito ng kaso sa bansa.
Moira Encina