Higit 6 milyong halaga ng shabu na itinago sa mga CCTV camera, nasabat ng BOC-Clark
Nasa isang kilo ng methamphetamine hydrochloride o shabu na tinatayang nasa halagang 6.126 milyong piso ang nadiskubre ng mga tauhan ng Bureau of Customs-Port of Clark (BOC-Clark) sa isang export shipment patungong New Zealand.
Ayon sa BOC, ang mga iligal na droga ay isinilid sa apat na CCTV Cameras.
Nakadeklara ang kargamento bilang CCTV camera at video recorder.
Pero matapos isagawa ang physical examination, nadiskubre ang anim na pakete ng shabu sa mga CCTV camera.
Nakumpirmang mga shabu ito sa pagsusuring ginawa ng chemical laboratory ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Nag-isyu na ng Warrant of Seizure and Detention si District Collector Alexandra Lumontad dahil sa paglabag ng shipment sa Republic Act (RA) No. 10863 o Customs Modernization and Tariff Act na may kaugnayan sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).
Ang mga iligal na droga ay nai-turn-over na sa PDEA alinsunod sa Customs Administrative Order No. 03-2020.