Bagong coronavirus variant na pinangalanang ‘Mu,’ binabantayan ng WHO
GENEVA, Switzerland (AFP) – Isang bagong coronavirus variant na tinatawag na “Mu” na unang natunton sa Colombia noong Enero, ang minomonitor ngayon ng World Health Organization (WHO).
Sa kanilang lingguhang pandemic bulletin, sinabi ng WHO na ang Mu na may scientific name na B.1.621, ay nasa ilalim ng klasipikasyon na “variant of interest.”
Ayon sa WHO, ang variant ay may mutations na nagpapakita ng panganib na kaya nitong labanan ang bakuna, at binigyang diin na kailangan pa ng dagdag na mga pag-aaral para mas maintindihan ang bagong variant.
Nakasaad sa bulletin . . . “The Mu variant has a constellation of mutations that indicate potential properties of immune escape.”
Lahat ng viruses, kabilang na ang SARS-COV-2 na sanhi ng Covid-19, ay nagmu-mutate sa pagdaan ng panahon at karamihan ng mutations na ito ay may kakaunti o walang epekto sa mga katangian ng virus.
Subalit may ilang mutations na may epekto sa mga katangian ng isang virus at naka-iimpluwensiya sa kung paano ito kadaling kakalat, sa kung gaano kalubha ang sakit na idudulot nito, at sa resistance nito bakuna, sa mga gamot at iba pang countermeasures.
Kamakailan ay tinukoy ng WHO ang apat na Covid-19 variants of concern, kabilang na ang Alpha na nasa 193 mga bansa, at Delta na nasa 170 mga bansa.
Limang variants naman, kabilang na ang Mu sa kanilang binabantayan.
Matapos ma-detect sa Colombia, ang Mu ay napaulat na present din sa ibang mga bansa sa South America at sa Europe.
Ayon sa WHO, ang pagkalat ng Mu ay bumaba sa 0.1 percent sa kalipunan ng sequenced cases, ngunit sa Colombia ito ay nasa 39 percent.
Agence France-Presse