Vaccine expert panel ,hindi pa inirerekomenda ang pagsasagawa ng booster shot vaccination
Hanggang ngayon, hindi parin inirerekumenda ng Vaccine Expert Panel ang pagbibigay ng booster shot para sa mga naturukan na ng 2 dose ng Covid 19 vaccine.
Ito ay kahit pa may mga ulat ng pagbaba ng efficacy ng bakuna dahil sa mga variant ng COVID-19 gaya ng Delta.
Una rito, napaulat na mayroon umanong pag-aaral sa Thailand na bumaba ng 48.33% ang antas ng proteksyon na naibibigay ng Sinovac vaccine sa Delta variant makalipas ang 6 na buwan mula ng naiturok ang 2nd dose ng bakuna.
Paliwanag ni Dr. Nina Gloriani, head ng Vaccine Expert Panel, sa ngayon patuloy parin ang kanilang pag-aaral hinggil sa booster shot.
Pinag-aaralan rin aniya nila kung aling grupo ang may pinakamataas na risk at nangangailangan ng booster shot.
Sinabi ni Gloriani na nagsagawa rin ng pag-aaral ang Sinovac hinggil sa booster shot at nakita na ang nabigyan ng mas mahabang interval para sa ikatlong bakuna ay may mas magandang immune response.
Si Health Usec Ma Rosario Vergeire naman, iginiit na saka na muna pag-usapan ang booster shot dahil marami pa ang walang bakuna dito sa bansa.
Umapila rin ito sa publiko lalo na sa mga indibiwal na nagpapaturok na ng ikatlong shot ng bakuna na isaalang alang ang iba na hindi pa nababakunahan.
Madz Moratillo