138 sa 188 Pinoy sa Afghanistan, nakabalik na sa bansa
Nasa 138 Filipino na sa Afghanistan ang nakauwi na ng bansa.
Ito’y matapos makabalik na ng Pilipinas kahapon ang nasa 31 Pinoy evacuees sa pamamagitan ng chartered flight ng Department of Foreign Affairs mula sa Doha, Qatar.
Ang repatriation flight ay pinagtulungan ng Office of the Undersecretary for Migrant Workers Affairs (OUMWA), at ng Philippine Embassies sa Pakistan at Qatar.
Ang mga nailikas na Pinoy ay unang dinala sa Islamabad bago sila dinala sa Doha para sa kanilang flight pabalik ng Pilipinas.
Karamihan sa mga umuwing Pinoy ay nagtatrabaho sa iba’t-ibang security firms sa Kabul.
Sa pinakahuling datos ng DFA, nasa 138 Pinoy mula sa 188 kababayan natin sa Afghanistan ang nakauwi na ng bansa.
Pero nasa 23 Pinoy pa ang nananatili sa nasabing bansa.
Matatandaang inanunsyo ng pamahalaan ang mandatory repatriation ng mga Pinoy sa Afghanistan matapos itaas sa Alert Level 4 ang sitwasyon doon dahil sa tumitinding kaguluhan.