Dalawang bagong variant ng Covid-19, binabantayan ng WHO
Bagamat may mga bagong variant ng COVID-19 na binabantayan ngayon ang World Health Organization, iginiit ng Department of Health na hindi dapat matakot ang publiko dahil patuloy pa naman ang ginagawang imbestigasyon rito.
Ayon sa DOH, may dalawang bagong variant ng COVID-19 na binabantayan ngayon ang World Health Organization.
Ito ay ang MU variant na unang natukoy sa Colombia at C.1.2 variant na una namang natukoy sa South Africa.
Pero sa 2 na ito, ang MU pa lang ang naideklarang variant of interest ng WHO habang patuloy naman ang pag-aaral pa sa C.1.2 kung ito ba ay variant of concern o of interest.
Ayon kay Dr. Thea de Guzman, director ng Epidemiology Bureau ng Department of Health, bagamat sinasabing vaccine resistant ang MU variant, mababa pa naman ang porsyento ng nakitaan nito sa mga sample na na-sequence sa Colombia at Equador na nasa less than .1%.
Ang C.1.2 variant naman aniya ay unang natukoy noong Mayo at maliban sa South Africa, kumalat na rin ito maging sa mga bansa sa Africa, Europe, Asia at Oceania.
Sinasabi na ang C.1.2 ay maihahalintulad sa Alpha at Beta na mabilis makahawa at immune resistant.
Sa mga nasa listahan ng variant of concern ng WHO, ang Alpha, Beta, Delta, at Gamma pa lang ang nakapasok sa bansa.
Sa 4 na ito, kabilang aniya sa top 3 ay ang Alpha, Beta at Delta.
Ang Delta na 16%.Bagamat hindi ang Delta ang nangungunang variant sa bansa kung bilang ang pag-uusapan, sa mga bagong sample na nase-sequence ngayon, ang Delta na ang mas karaniwang nakikita ngayon.
Ayon kay de Guzman, lahat ng rehiyon sa bansa maliban sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ay nakitaan ng Delta variant.
Pero aminado si de Guzman na kailangan na mas maraming sample pa sa BARMM ang masuri para masigurong wala pa talagang Delta variant dito.
Bagamat patuloy na nataas ang mga kaso ng virus infection sa bansa hindi naman aniya ito sing bilis ng dati.
Dr. Thea de Guzman, Director, Epidemiology Bureau – DOH:
“Nataas ang mga kaso pero di sing bilis. Isang major factor ang bakuna. Pero di lang tayo nakasalalay sa vaccination. We had surges before Wala pa vaccine. Nag improve ang masking, pagpapa-iksi ng isolation hanggang sa pagtukoy ng kaso”.
Partikular na tinukoy ni de Guzman ang NCR at Bulacan na bumaba ang mga kaso.
Katunayan, mas mababa ito kaysa kanilang estimate na magiging mga kaso.
Pero kabaligtaran naman ang sa Cavite, Laguna at Rizal na mas mataas kaysa estimate ang kanilang naitalang mga kaso.
Madz Moratillo