Buwan ng Wika, ipinagdiwang sa Tarlac sa pamamagitan ng makabagong teknolohiya
Hindi naging hadlang ang kasalukuyang kalagayan ng mundo upang maipagdiwang ang buwan ng katutubo at pambansang wika, na siyang nagbubuklod sa mga Filipino laluna ngayong panahon ng pandemya.
Ang pagdiriwang sa Buwan ng Wika, ay isinagawa ng mga pampublikong paaralang elementarya sa distrito ng Mayantoc, Tarlac sa pamamagitan ng makabagong teknolohiya o sa pamamaraang birtuwal.
Ang mga kategoryang nilahukan ng mga piling guro ay pagsulat ng sanaysay, pagsulat ng tula, karatulastasan, paggawa ng poster at paggawa ng slogan.
Ang mga nagwagi sa unang puwesto sa bawat kategorya ay sina Bb. Arlyn Racal mula sa Maniniog Elementary School para sa pagsulat ng sanaysay, Gng. Maricel Dancel mula sa Binbinaca Primary School para sa pagsulat ng tula, Gng. Mary Jane Pascion mula sa San Jose Elementary School para sa karatulastasan, Gng. Armielyn Odones mula sa Bigbiga Elementary School para sa paggawa ng poster, at Bb. Joyce Razalan mula sa Gayong Gayong Elementary School para sa paggawa ng slogan.
Naging mga hurado sa patimpalak ang mga punong guro sa bawat paaralan, sa pangunguna nina Gng. Susan Pagaduan, Principal III ng Mayantoc Central Elementary School at G. Allan Manalo, tagamasid ng programang pang edukasyong Pilipino.
Sina Gng. Anna Diana Soriano, pandistritong dalubhasa sa wikang Pilipino at Gng. Tessie Manuel, tagamasid pampurok ang naging mga punong abala sa isinagawang pagdiriwang sa kanilang distrito.
Ismael Mateo