7 lugar sa bansa, nasa Signal No. 1 dahil sa TD Jolina; Isa pang bagyo sa labas ng PAR, posibleng pumasok sa bansa sa Miyerkules
Makararanas ng katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan ang ilang lugar sa Mindanao sa susunod na 24 oras sanhi ng Tropical Depression Jolina.
Sa 11:00 am forecast ng PAGASA, huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 305 km East, Southeast ng Guiuan, Eastern Samar o 230 km East Northeast ng Surigao City, Surigao del Norte.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 55 km/h malapit sa gitna at pagbugso ng hanggang 70 km/h.
Nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa Sorsogon sa Luzon, Eastern Samar, Northern Samar at Samar sa Visayas, at Dinagat Islands, Siargao Islands at Bucas Grande Islands sa Mindanao.
Ang mga nasabing lugar ay makararanas ng malalakas na pagbugso ng hangin sa susunod na 36 oras.
Pinaaalerto ang mga kinauukulang ahensya dahil sa posibilidad ng flash floods at landslides.
Pinag-iingat din ang mga maglalayag na malilit na sasakyang pandagat dahil sa posibleng umabot sa 2.8 meters ang taas ng alon sa Eastern seaboards ng Visayas at Mindanao.
Samantala, isa pang LPA na nag-intensify din bilang Tropical Depression ang binabantayan ng weather bureau.
Huli itong namataan sa layong 1,480 km East ng Visayas, labas ng Philippine Area of Responsibility, taglay ang lakas ng hanging abaot sa 45 kph at pagbugso ng hanggang 55 kph.
Inaasahang papasok ito ng PAR sa Miyerkules.