Dalawang taong gulang na mga bata pataas, sinimulan nang bakunahan sa Cuba
Sinimulan na ng Cuba nitong Lunes, ang pagbabakuna sa mga batang edad dalawa pataas laban sa Covid-19, gamit ang bakunang sila mismo ang gumawa na hindi kinikilala ng World Health Organization.
Ang Cuba ang kauna-unahan sa buong mundo na gumawa nito.
Plano ng mga awtoridad sa komunistang isla na may 11.2 milyong populasyon, na mabakunahan ang lahat ng mga bata bago muling magbukas ang mga paaralan, na karamihan ay nagsara mula pa noong March 2020.
Ang bagong school year ay nagsimula na kahapon (Lunes), ngunit sa pamamagitan muna ng television programs sa kanilang mga tahanan dahil mas nakararami ang walang internet access.
Makaraang makumpleto ang clinical trials sa minors ng Abdala at Soberana vaccines, ay sinimulan na ng Cuba ang inoculation campaign para sa mga kabataan noong Biyernes, kung saan ang unang binakunahan ay mga nasa edad 12 pataas.
Kahapon, inumpisahan naman nilang bakunahan ang mga nasa 2-11 age groups, sa central province ng Cienfuegos.
Ang Cuban vaccines, na unang bakunang ginawa sa Latin America ay hindi sumailalim sa international, scientific peer review.
Nakabase ang bakuna sa recombinant protein technology, kapareho ng ginamit sa Novavax ng US at Sanofi ng France na naghihintay din ng approval ng World Health Organization.
Hindi gaya ng maraming bakunang ginagamit ngayon, ang recombinant vaccines ay hindi nangangailangan ng extreme refrigeration.
Una nang inanunsiyo ng Cuba ang unti-unting pagbubukas ng klase sa mga paaralan sa Oktubre at Nobyembre, subalit ito ay kapag nabakunahan na ang lahat ng mga bata.
Ang Cuba ay nakaranas ng lubhang mataas na bilang ng coronavirus infections nitong nakalipas na mga buwan, sanhi para ma-pressure na ang health system ng bansa.
Sa 5,700 naiulat na mga namatay mula nang mag-umpisa ang outbreak, halos kalahati rito ay nito lamang nakalipas na Agosto, at halos katumbas din ito ng 1/3 ng lahat ng naiulat na mga kaso.