Pag-alis ng travel ban sa 10 bansang may mataas na kaso ng Covid-19, pinaparekonsidera ng mga Senador sa IATF
Ipinapa-rekonsidera ng mga Senador sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang pag-lift ng travel ban sa sampung mga bansa na may matinding kaso ng Covid-19.
Sa naunang desisyon ng IATF simula ngayong September 6, papayagan nang makapasok sa bansa ang mga dayuhan mula sa India, Pakistan, Bangladesh, Sri Lanka, Nepal, UAE, Oman, Thailand, Malaysia, Indonesia.
Tanong ni Senate President Vicente Sotto III, ano aniya ba ang tunay na agenda hinggil dito.
Nababahala naman si Senador Nancy Binay, sa pagtatangal ng ban ngayong napakataas ng kaso ng Covid-19 at punong-puno ng pasyente ang mga ospital.
Sablay aniya ang desisyong ito ng IATF dahil kulang ang kapasidad ng bansa para sa safety nets at palpak ang border control measures.
Pangamba ng Senador asahan nang papasok sa bansa ang iba pang mas mapanganib na variant ng virus.
Paalala naman ni Senador Risa Hontiveros, kaligtasan ng publiko ang nakasalalay sa hakbang ng IATF katunayang nasa Alert level 4 ang maraming lugar lalo na ang Metro Manila.
Tila aniya mga bata ang mga opisyal na pinaglalaruan ang pagbubukas at pagsasara ng paliparan.
Sana aniya ay ipatupad ng Bureau of Quarantine at iba pang tanggapan ng gobyerno ang mas maayos na health protocol dahil napakataas ng infection rate ng bansa.
Meanne Corvera