Imbestigasyon ng Senate blue ribbon committee sa pagbili ng PPE ng DOH at DBM malinaw na pamumulitika – Malacañang
Itinuturing ni Pangulong Rodrigo Duterte na pamumulitika lamang ang ginagawang imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee na pinamumunuan ni Senador Richard Gordon sa umano’y maanomalyang pagbili ng Department of Health o DOH at Procurement Service ng Department of Budget and Management o PSDBM ng mga Personal Protective Equipment o PPE.
Sinabi ng Pangulo sa kanyang weekly Talk to the People na hindi mapapalitaw ang katotohanan sa imbestigasyon ng senado dahil masyadong one sided ang proseso.
Ayon sa Pangulo walang pagkakataon na maipaliwanag ng husto ng mga resource persons ang kanilang panig dahil pinuputol agad ito ni Senador Gordon.
Inihayag ng Pangulo pinaiiral ni Gordon ang pagiging bully sa mga inimbestigahan na personalidad gamit ang kanyang posisyon.
Inakusahan ng Pangulo si Gordon na umaaktong prosecutor at hukom kaya walang maaasahan na lalabas na katotohanan sa inbestigasyon ng Senado.
Iginiit ng Pangulo na ang pagsasagawa ng imbestigasyon ng senado ay hindi na naaayon sa in aid of legislation dahil pagkatapos ng inbestigasyon ay wala namang napagtibay na batas kundi pawang political posturing kaugnay ng nalalapit na election.
Vic Somintac