National Convention ng PDP-Laban Cusi faction, tinawag na “drama” lang ng PDP-Laban faction
Tinawag na sarswela o drama lang ng Partido Demokratiko Pilipino o PDP-Laban Pimentel faction ang National Convention ng Cusi faction noong Miyerkules kung saan idineklara ang kanilang magiging pambato sa eleksyon sa 2022.
Ayon kay Ron Munsayac, executive director ng kabilang paksyon ng partido, palabas lang umano ng mga dating kapartido ang hindi umano pagtanggap ni Senador Bong Go na maging standard bearer kung saan si Pangulong Duterte lang ang humarap sa mga kapartido.
May inihahanda umano kasing drama ang grupo nito at may ikinakasang kandidato na hindi nila kapartido.
Ito rin aniya ang dahilan kaya hindi nila susuportahan ang kandidatura ni Pangulong Duterte kapag sumabak ito sa Vice-Presidential race.
Sabi ni Munsayac, bukod sa kandidato sa pagka-Pangulo, kuwestyonable rin ang mga isinama sa line-up ng kabilang grupo para sa kanilang Senatoriables na pawang hindi mga taga-PDP-Laban.
Sa September 19 tuloy aniya ang national convention ng tinawag nitong orihinal na PDP-Laban kung saan dadalo aniya ang kanilang mga lider at miyembro mula sa grassroots level.
Dito maaring matalakay na kung sino ang kanilang isasabak sa eleksyon.
Ayaw pa nilang kumpirmahin ang pagsabak ni Senador Manny Pacquiao dahil hanggang ngayon wala pa itong nabubuong pasya.
May nakatakda naman aniya itong meeting sa iba’t-ibang partido pulitikal tulad ni Vice- President Leni Robredo, at sa grupo nina Senate President Vicente Sotto III pagkatapos ng kaniyang quarantine.
Ang sigurado aniya anuman ang kanilang maging pasya, dapat magkasundo ang kanilang pambato sa pagka-Pangulo at Pangalawang Pangulo.
Meanne Corvera