Northern Luzon PNP, inalerto sa pananalasa ng Typhoon Kiko
Inatasan ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Guillermo Eleazar ang kaniyang mga tauhan partikular ang lahat ng units sa Northern Luzon na maging alerto sa pananalasa ng bagyong Kiko.
Ayon sa PNP Chief, nakahanda ang pulisya sa pagtulong sa mga disaster response ng mga lokal na pamahalaan.
Inatasan din ni Eleazar ang mga pulis na tumulong sa mga nasalanta ng bagyong Jolina kung saan libu-libong mga residente mula sa Eastern Visayas, Bicol Region, CALABARZON ang lumikas sa kanilang mga tahanan dahil sa matinding pagbahang idinulot ng bagyo.
“Inaasahan ko rin ang report ng ating mga chief of police sa mga PNP personnel na naapektuhan ng bagyong Jolina para magpa-abot tayo ng tulong sa kanila, pati na rin ang damage assessment sa mga police station at iba pang PNP infrastructures upang agad na maipaayos ito”. – Gen. Eleazar
Hinikayat naman ng PNP Chief ang publiko na makinig at sumunod sa mga alituntunin ng pamahalaan para sa kaligtasan ng lahat.