Basic rescue orientation, isinagawa ng BFP sa Dapitan City
Nagsagawa ng tatlong araw na basic rescue orientation and training, ang mga tauhan ng Dapitan Bureau of Fire Protection-Special Rescue Force, na pinangasiwaan ng Provincial Special Rescue Force.
Nilahukan ito ng 40 mga tauhan mula sa nasabing tanggapan, kabilang na ang mga ojt na pinamunuan ni Senior Fire Officer 2 (SFO2) Roland Ladera.
Ayon kay SFO2 Ladera, layon ng aktibidad na sanaying mabuti ang mga tauhan ng BFP sa Dapitan City, upang sa panahon ng mga sakuna o emergency ay makapagbigay sila ng paunang tulong sa mga biktima.
Pagkatapos ng naturang pagsasanay, madaragdagan ang kanilang kaalaman at mas magiging handa sa pagresponde laluna na sa tactical rescue operation, at ito ay maaari rin nilang ibahagi sa iba pang mga tanggapan ng BFP sa lalawigan ng Zamboanga del Norte.
Pinasalamatan naman ni Senior Fire Officer 3 Arnold Menorias si Mayor Rosalina Jalosjos, sa suportang ibinigay sa naturang aktibidad.
Ayon sa isa sa trainees na si Fire Officer 3 Mercy Rollon, mapapalakas nito ang kanilang kaalaman dahil malaki aniyang tulong ito lalo na sa mga Dapitanon.
Lorie Mira