Ilang student organizations at youth groups, nanawagan sa gobyerno na magdeklara ng krisis sa edukasyon
Aabot sa 90 grupo ng mga estudyante at kabataan ang umaapela sa gobyernong Duterte para magdeklara ng krisis sa edukasyon kasabay ng pagbubukas ng klase sa bansa ngayong COVID-19 pandemic.
Ayon sa EduCrisis statement na inilabas ng iba’t ibang youth at student organizations, dapat din na magpatupad ang pamahalaan ng emergency plan para tugunin ang mga problema na kinakaharap ng mga guro at mag-aaral sa distance learning.
Iginiit ng mga mag-aaral na hindi epektibo at inclusive ang online o distance learning set-up.
Anila lalo nitong pinalawak ang nakaaalarmang socio-economic divide at nakaapekto rin ng masama sa mental health ng mga estudyante.
Kaugnay nito, iminungkahi ng mga organisasyon ang implementasyon ng 4-point education agenda upang maresolba ang problema sa edukasyon sa bansa.
Una rito ay ang agresibong COVID-19 response gaya ng mass testing, contact tracing at mas mabilis na vaccination rollout para sa ligtas na pagbubukas ng face-to-face classes.
Nais din ng mga youth groups na magkaroon ng pandemic-responsive budget at monitoring ang sektor ng edukasyon at ibalik ang kinaltas na pondo ng CHED at state universities and colleges.
Ikatlo sa kanilang mungkahi ay ang pagkakaroon ng access sa mental health services ng mga guro, staff at mag-aaral sa pamamagitan ng full implementation ng Mental Health Act.
At panghuli sa panawagan ng kabataang estudyante ay ang pagpasa sa Students Rights and Welfare (STRAW) bill.
Nagpahayag naman ng suporta si Sen. Risa Hontiveros sa apela ng mga student organization.
Aniya dapat pakinggan ng gobyerno ang mga kabataan dahil ang mga ito mismo ang aktuwal na nakakaranas ng mga problema sa edukasyon na pinalala ng pandemya.
Moira Encina