COMELEC office sa Mariveles, Bataan dinaragsa ng mga nagpaparehistro
Dinaragsa na ng daan-daang botante ang COMELEC office sa Mariveles, Bataan para magparehistro upang makaboto sa halalan sa susunod na taon.
Payo ni Mariveles election officer Joy Eleazar Caro sa mga magpaparehistro, kumuha muna ng form sa barangay at sagutan ito bago magtungo sa tanggapan ng COMELEC, upang maiwasan ang matagal na pila.
Ayon kay Caro, umaabot sa higit 100 hanggang 200 bagong botante at transferree ang kanilang naa-accomodate bawat araw mula noong Sept. 6, 2021 nang muling magbukas ang voters registration matapos sumailalim sa MECQ.
Ang industrial town ng Mariveles ang may pinakamalaking bilang ng botante sa Bataan, na mayroong higit 80 libong registered voters sa kasalukuyan.
Ang COMELEC Mariveles ay bukas mula Lunes hanggang Sabado, alas-8:00 ng umaga hanggang ala-5:00 ng hapon maliban kung Miyerkoles dahil ito ang araw na nagdi-disinfect ang Municipal Health Office sa lahat ng tanggapan ng local government unit ng Mariveles.
Sinabi pa ni Caro, na matapos ang deadline ng voters registration sa Sept. 30 ay aasikasuhin naman ng COMELEC ang filing ng candidacy ng mga lalahok sa local at national election na magsisimula sa October 1-8, 2021.
Larry Biscocho