Test run para sa internet voting gamit naman ang teknolohiya ng Smartmatic susubukan ng Comelec
Magsasagawa rin ng test run ang Commission on Elections para sa internet voting gamit naman ang teknolohiya ng Smartmatic.
Ang Smartmatic ay matatandaang naging technology provider ng bansa para sa automated elections mula noong 2010.
Ang trial ay sisimulan 8am sa Sabado at matatapos naman ng 8am sa Lunes.
Isa itong bagong paraan ng pagboto para sa mga Filipino na nasa ibang bansa, upang maging mas accessible sa kanila ang pagsali sa halalan dito sa bansa.
Ayon sa Comelec sakaling maging matagumpay, masusubukan ito sa 2025 elections pa.
Ilan sa hinahanap ng Office for Overseas Voting bago isulong ang internet voting system ay ang security, accessibility at cost o halaga ng teknolohiya.
Ilan naman sa hamon ng internet voting ayon kay Dr. William Emmanuel Yu, myembro ng Comelec Advisory Council, ay ang transparency accessibility dahil sa ang ilang lugar ay maaaring may problema sa internet connection, at tiwala ng mga botante sa sistema at magiging resulta nito.
Nitong nakaraang linggo, una ng sinimulan ng Comelec ang test run para sa internet voting gamit naman ang teknolohiya ng American firm na Voatz.
Madz Moratillo