Police camps at facilities, maaaring magamit sa pagbabakuna kontra Covid-19 sa mga menor de edad- PNP Chief Eleazar
Inatasan na ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Guillermo Eleazar ang Administrative Support for COVID-19 Task Force sa pamumuno ni Police Lt. Genaral Joselito Vera Cruz na simulan na ang paglilista ng mga 12-17 anyos na dependents ng kanilang uniformed at civilian personnel bilang paghahanda sa gagawing pagbabakuna kontra Covid-19 sa mga menor de edad.
Kasabay nito, sinabi ni Eleazar na nakahanda ang mga kampo ng pulisya at iba pa nilang pasilidad para magamit sa pagbabakuna sa mga kabataan.
Sinabi ni Eleazar, maaari nang magamit ang kanilang mga pasilidad dahil halos patapos na aniya ang pagbabakuna sa kanilang hanay.
Batay sa datos NG PNP, mahigit na sa 131,000 pulis ang fully vaccinated na at nasa higit 80,000 naman ang nakatanggap na ng first dose.
Tinatayang nasa higit 1,500 pulis na lamang ang hindi pa nababakunahan at target aniya nilang mabakunahan ang mga ito bago matapos ang taon.
“Makikipag-ugnayan ang inyong PNP sa NTF Against COVID-19 at sa Department of Health na gawing vaccination sites ang aming mga kampo para sa 12-17 years old dependents ng aming mga personnel upang maiwasan ang pagdagsa ng mga menor de edad sa vaccination sites ng ating mga LGUs kapag nag-umpisa na ang pagbakuna sa kanila”. – PGen Eleazar.