Gobyerno, nagpasalamat sa Russia sa pagdating sa bansa ng karagdagang 190,000 doses ng Sputnik V vaccine
Dumating na sa bansa kagabi ang kabuuang 190,000 doses ng Sputnik V’s component 2 vaccines.
Ang mga bakuna ay lumapag sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 lulan ng Qatar airlines at sinalubong nina Vaccine czar Sec. Carlito Galvez Jr. at Russian Ambassador to the Philippines Marat Pavlov.
Sabi ni Galvez ang mga bakuna ay ipamamahagi sa Metro Manila para sa second dose at ilan pang lugar gaya sa Bohol, Isabela at Bacoor sa Cavite ganundin sa ilang lugar sa Regions 3 at 4-A.
Inaasahan din aniyang sa buwang ito ay darating sa bansa ang isang milyong doses ng single shot Sputnik Light Covid-19 vaccine na binili ng pamahalaan.
Mas marami aniya ang mabebenepisyuhan ng nasabing bakuna dahil single dose lamang ito gaya ng Johnson and Johnsons vaccine.
Matatandaang noong Agosto, inaprubahan na ng Food and Drug Administration ang emergency use authorization ng Sputnik Light vaccine.
Sinabi naman ni Pavlov na ikinukunsidera nilang makapagdeliver ng malaking bilang ng Sputnik Light sa Pilipinas.
Nauna nang iniulat ng DOH na nasa 18.3 milyong indibidwal na ang fully vaccinated sa bansa at target nilang makakumpletong bakuna ang nasa 20 milyon sa katapusan ng buwang ito.