Emmys dinomina ng Netflix
Dinomina ng streaming giant na Netflix ang Emmys, matapos mapanalunan ang pinakamalalaking awards kung saan nakakuha ng all-time record ang kanilang “The Crown” at ” The Queen’s Gambit.”
Sa kabila ng pagbabagong ginawa sa pamamagitan ng paglikha ng original programming noong 2012, ang Netflix ay hindi pa nananalo ng kahit na anong top series prize sa Emmy, ang small-screen equivalent ng Oscars.
Sa unang pagkakataon makalipas ang 2 taon, ay nagtipon para sa naturang event ang malalaking television stars sa Los Angeles sa isang outdoor venue bunsod na rin ng pandemya.
Ayon sa creator ng “The Crown” na si Peter Morgan . . . “We’re gonna have a party now. I’m lost for words, and I’m very, very grateful.”
Maraming awards ang nakuha ng 4th season ng lubhang popular na British royal series, na lumalarawan sa married life ni Prince Charles at Princess Diana.
Si Olivia Colman, na nanalo rin ng Oscar sa kaniyang papel bilang si Queen Anne ng Britanya sa “The Favourite,” ang nagwagi bilang best actress para sa pagganap sa papel ni Queen Elizabeth II.
Nakuha naman ni Josh O’Connor ang best actor award para sa kaniyang papel bilang si Prince Charles sa “The Crown.”
Nakuha rin ng serye ang awards para sa best supporting actor, kabilang na ang para kay Gillian Anderson para sa kaniyang papel bilang Margaret Thatcher, maging ang awards para sa best writing at directing. Nakuha rin ng naturang Netflix series ang technical awards.
Sa kabuuan ay 11 ang napanalunan ng “The Crown” gaya ng “The Queen’s Gambit” na serye rin ng Netflix, kulang na lamang ng isa para makapantay sa naging record ng “Game of Thrones.”
Ang dalawang show ng Netflix ay nakakuha ng 44 na Emmys ngayong taon, katulad ng nakuhang awards ng CBS network noong 1974, noong ang mga serye na gaya ng “MAS*H” at “The Mary Tyler Moore Show” ay namayagpag sa ere.
Samantala, napanalunan ni Kate Winslet ang limited series lead actress award para sa kaniyang papel sa detective drama na “Mare of Eastown,” habang si Ewan McGregor naman ang nakakuha ng best limited series actor para sa “Halston.”
Nanalo naman ng best comedy series at iba pang awards ang global smash hit ng Apple TV+ na “Ted Lasso.”
Nasungkit din ng serye ang dalawang unang award sa comedy para sa supporting acting.
Si Jean Smart ang nakakuha ng best actress for comedy para sa series na “Hacks” na nakakuha rin ng award para sa comedy writing at directing.
Sa kabila ng tagumpay ng Emmy awards, lahat ng 12 major acting awards ay napanalunan ng white performers, sanhi para gamitin ng ilang social media users ang hashtag na #EmmysSoWhite.
Ayon sa tweet ng isang user . . . “(S)uper dissapointed that we saw so many nominees of color overlooked despite the incredible number of nominees.”