Vietnam bibili ng 10 milyong Cuban vaccine doses
Pumayag ang Cuba na gumawa para sa Vietnam ng 10 milyong doses ng sarili nilang coronavirus vaccine na Abdala, na binigyan na ng Vietnam ng emergency approval.
Isang kasunduan ang nilagdaan sa pagitan ng dalawang bansa, nang opisyal na bumisita sa Cuba si Vietnamese President Nguyen Xuan Phuc.
Nakapaloob sa kasunduan ang paunang 5 milyong doses, ngunit pinahintulutan na ng Vietnam ang pagbili ng 10 milyong doses sa kabuuan.
Ang Vietnam ang unang bansa na nag-apruba para sa emergency use ng Abdala, na ginagamit na ng Cuba kasama ng Soberana O2, na isa ring locally developed vaccine.
Ang Venezuela ay lumagda rin ng kontrata para bumili ng 12 milyong Abdala doses, habang ang Iran ay gagawa ng Soberana O2 sa ilalim ng kasunduan.
Nagpahayag na rin ng interes ang Argentina at Mexico sa Cuban vaccines.
Nitong nakalipas na linggo, sinimulan na ng Cuba ang proseso para hingin ang approval ng World Health Organization (WHO) para sa Abdala at Soberana O2.
Ang mga nabanggit na bakuna, na siyang unang na-develop sa Latin America, ay hindi pa sumasailalim sa international scientific peer review.
Ayon sa Cuban scientists, ang mga bakuna nila ay nakitang higit 90% na mabisa para maiwasan ang symptomatic Covid-19 cases.
Base ito sa recombinant protein technology, na gaya ng ginamit sa Novavax vaccine ng Estados Unidos at Sanofi ng France.