Failure of elections sa 2022, malabong mangyari dahil sa mga granular lockdown – Malakanyang
Naniniwala ang Malakanyang na malabong magkaroon ng failure of elections sa 2022 dahil sa mga granular lockdown para kontrolin ang pagkalat ng pandemya ng COVID-19 sa bansa.
Ito ang sagot ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque sa mga nagpapalutang na baka magkaroon ng failure of elections kapag hindi makaboto ang mga botante na maisasailalim sa granular lockdown ang kanilang lugar.
Sinabi ni Roque kung mayroong mga botante na hindi makakaboto dahil sa pagpapatupad ng granular lockdown maaari silang bigyan ng konsiderasyon ng Commission on Elections o COMELEC at bomoto sa ibang araw.
Ayon kay Roque matagal ng ginawa ng COMELEC na nagbibigay ng pagkakataon sa mga botante na hindi makakaboto sa mismong araw ng halalan dahil sa force majeure o hiningi ng pagkakataon dahil sa emergency dulot ng man made o natural calamity.
Ang granular lockdown policy para kontrolin ang pagkalat ng pandemya ng COVID-19 ay ipapatupad sa buong bansa sa sandaling magtagumpay ang pilot testing nito sa National Capital Region o NCR.
Vic Somintac