Non-essential travel sa BLISTT areas, suspendido mula Sept. 23 – Oct. 3, 2021
Bawal muna ang non-essential travel sa Baguio City, La Trinidad, Itogon, Sablan, Tuba, at Tublay o (BLISTT) areas simula ngayong September 23 hanggang October 3, 2021.
Ito ang ipinalabas na Joint Advisory ng local chief executives ng Benguet province upang mapigilan ang paglobo ng mga kaso ng Covid-19.
Batay sa advisory, limitado ang paggalaw ng mga residente kabilang ang pagpasok ng mga non-resident sa mga nasabing lugar na nasa ilalim ng Alert level 4.
Obligado ang Authorized persons outside residence (APOR) na magpakita ng mga dokumentong magpapatunay na essential ang kanilang pagbiyahe at dahilan ng pagpasok sa mga nasabing bayan.
Papayagan namang makapasok ang mga Cargo, delivery at logistics services para maghatid ng essential at non-essential goods.
Inaabisuhan ang mga biyahero na papasok at lalabas ng Baguio city na dumaan sa Marcos Highway at iwasan ang Asin-Nangalisan-San Pascual highway na inilaan lamang mga essential cargo.