Medical Reserve ng PNP, tutulong sa health workers sa public at private hospitals
Nangako ang Phil. National Police (PNP), na tutulong ang kanilang Medical Reserve Force (MRF) sa laban ng bansa kontra COVID-19.
Ayon sa PNP, aalamin nila kung sino-sino sa kanilang mga tauhan ang mayroong medical background, para maragdagan ang kanilang MRF na may 150 miembro.
Ang pahayag ng PNP ay kasunod ng direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa militar at pulisya, na tumulong sa gitna na rin ng kakulangan ng human medical resources.
Ayon kay PNP Chief Guillermo Eleazar, tutulong ang PNP personnel kapwa sa public at private hospitals na puno na ng COVID-19 patients.
Aniya . . . “Inatasan ko na ang aming Administrative Support for COVID-19 Task Force sa pamumuno ni Pol. Lt. Gen. Joselito Vera Cruz na agad makipag-ugnayan sa Dept. of Health para sa sistemang gagawin tungkol dito.”
Dagdag pa niya . . . “Hindi na ito bago sa atin kaya’t nasisiguro kong magagampanan ng ating mga personnel nang maayos ang gawain o tungkulin na iaatas sa kanila sa ating mga ospital.”
Ang direktiba ay ipinalabas ng pangulo sa kaniyang pakikipagpulong kamakailan sa mga kasapi ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases.