Death toll ng PNP sa Covid-19, sumampa na sa 116
Isang non-uniformed personnel ang pinakahuling pumanaw sa Philippine National Police dahil sa Covid-19.
Sinabi ni PNP Chief Police General Guillermo Eleazar na isa itong 58-anyos na nakatalaga sa Region 8.
Dahil dito, umakyat na sa 116 ang bilang ng mga namatay sa Pambansang Pulisya dahil sa virus infection.
Sa ulat ng PNP Health Service, nakaranas ito ng hirap sa paghinga at matinding ubo kaya unang dinala ng kaniyang pamilya sa Northern Samar Provincial Hospital noong September 19 ngunit inilipat din ito sa isang pagamutan sa Tacloban city dahil hindi umano gumagana ng maayos ang ilan sa mga makina ng pagamutan.
Lumala pa ang kundisyon ng pasyente at isinailalim sa intubation.
Batay sa resulta ng kaniyang RT-PCR test, positibo ang pasyente sa Covid-19.
September 21 nang pumanaw ang pasyente dahil sa cardiac arrest.
Batay sa medical records ng pasyente, mayroon siyang sakit gaya ng Gastrointestinal Rheumatic Disease, anxiety, Spondylosis of the spine, at Pneumonia.
Natuklasang hindi pa pala nababakunahan kontra Covid-19 ang pasyente.
Samantala, ngayong Linggo, September 26, ay nakapagtala ang PNP Health Service ng 118 bagong kaso ng Covid-19 kaya pumalo na sa 39,224 ang kabuuang kaso na may 2,231 active cases.
Nakapagtala rin ng karagdagang 166 recoveries kaya umakyat na sa 36,877 ang kabuuang nakarekober sa virus infection sa PNP.