Kalat-kalat na pag-ulan, asahan sa bahagi ng Timugang Luzon at Visayas dahil sa trough ng Typhoon Mindulle
Nasa labas pa rin ng Philippine Area of Responsibility ang Typhoon Mindulle.
Ayon sa PAGASA, kaninang alas-3:00 ng umaga, huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 1,600 kilometers East ng Extreme Northern Luzon, taglay ang lakas ng hanging aabot sa 185 km/h at pagbugso ng hanggang 230 km/h.
Kumikilos ito pa North, Northwestward sa bilis na 10 km/h.
Batay sa forecast ng PAGASA, posibleng pumasok ng PAR ang bagyo bukas pero inaasahang lalabas din sa Miyerkules.
Hindi ito inaasahang makaaapekto sa kalupaan pero ang wind field ng bagyo ay aabot sa Eastern Visayas at Bicol region.
Kapag pumasok na ang bagyo sa bansa ay papangalanan itong Lani.
Samantala, ngayong Lunes, sa Metro Manila bagamat magiging bahagyang maulap ang papawirin dulot ng trough ng bagyo ay mainit at maalinsangang panahon ang nararanasan at may mga banta pa rin ng pagbuhos ng ulan sa dakong hapon o gabi sanhi ng localized thunderstorms.
Ganito ring panahon ang nararanasan sa ilang bahagi ng Visayas at Mindanao.
Posibleng pumalo ng hanggang 33 degree celsius ang temperatura sa Metro Manila, at Laoag ngayong araw.
Pinag-iingat din ang mga maglalayag sa Silangang baybayin ng bansa dahil sa mga hanging dala ng bagyo .