PNP, pinaghahanda sa malawakang pagbabakuna sa general population kabilang ang menor de edad
Matapos aprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbabakuna sa general population kasama ang mga menor de edad sa Oktubre, inatasan ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Guillermo Eleazar ang kaniyang mga tauhan na maghanda.
Ayon kay Eleazar, mas kakailanganin ang tulong at serbisyo ng PNP upang matiyak na magiging maayos ang sistema sa mga vaccination site.
Partikular dito ang pagtiyak na nasusunod ang minimum health protocol gaya ng physical distancing, pagsusuot ng face mask at shield.
“Hindi naman na bago para sa ating mga kapulisan ang pagtulong sa ating vaccination rollout. Tiwala ako na alam na nila ang gagawin upang masigurong nasusunod ang minimum health standards sa ating mga vaccination sites.”- PNP Gen. Eleazar
Nauna nang inatasan ni Eleazar ang Medical Reserve Force ng PNP upang umasiste sa mga pasyente ng Covid-19 dahil sa kakulangan ng medical facilities at health workers.
Inalok din ni Eleazar ang mga kampo ng pulisya at iba pang pasilidad ng PNP para sa napipintong pagbabakuna sa mga kabataan partikular ang mga dependent ng PNP personnel.
Inatasan din ni Eleazar ang mga pulis na makipah-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan para sa schedule ng pagbabakuna sakaling magkaroon ng mga adjustment sa oras at lugar.